top of page
Search

MGA KARAPATAN NG MANGGAGAWA SA GITNA NG COVID-19 PANDEMIC

Updated: May 1, 2022

SA GITNA NG PANDEMYANG COVID-19, ANO ANG KARAPATAN NG ISANG MANGGAGAWA/EMPLEYADO KUNG SAKALING MAGSARA ANG KUMPANYA, KUNG MAKASAKIT ITO NG COVID-19, AT KUNG SAKALING MATANGGAL SA TRABAHO DAHIL SA PAGKAKAROON NITO?


Walang nakaligtas sa hagupit ng pandemya sa ating bansa sa larangan ng paggawa. Maging ang mga malalaking kumpanya o ang maliliit na manggagawa, nalugmok sa hirap na dala nito. Sa pagdiriwang ngayon ng Araw ng Paggawa, at bilang pagpupugay sa manggagawang Pilipino, sinubukan naming sagutin ang mga pinakamahahalagang tanong na bumabagabag sa bawat manggagawa ngayong panahon ng pandemya. Mabuhay ang Manggagawang Pilipino!


1. Ano ang karapatan mo sakaling magsara ang kumpanya na pinadapa ng pandemya?


May kalayaan at karapatan ang kumpanya na magsara ng kanilang negosyo, ngunit may kaukulang proteksyong binibigay ang ating batas para sa mga manggagawang maaapektuhan nito.


Kung ang kumpanya ay tuluyang nagsara dahil sa labis na pagkalugi ng negosyo, ayon sa ating Kagalang-galang na Korte Suprema, puwedeng hindi magbigay ng Separation Pay ang kumpanya sa mga empleyado nito, at sa pamamagitan ng mga financial statements ng kumpanya dapat lang na patunaya ng kumpanya ng labis na nalugi ang negosyo nito. (G.J.T. Rebuilders Machine Shop vs. Ambos, G.R. No. 174184, 28 January 2015)


Ngunit, kung ang kumpanya ay hindi lugi ang negosyo pero nagpasiya ang mga may-ari nito na isara ang kumpanya, base ating Labor Code, makakatanggap ng Separation Pay ang mga manggagawang maaapektuhan ng pagsasara o pagtigil ng operasyon ng isang kumpanya. Ang Separation Pay para dito ay nagkakahalaga ng kalahating (1/2) buwang sahod (multiplied by) sa bawat taon ng paglilingkod (ang separation pay na matatanggap ng manggagawa ay hindi dapat bababa sa halaga ng isang (1) buwang sahod).


Sa kompyutasyon ng Separation Pay – ang anim (6) na buwan o higit pang tagal ng paglilingkod ay katumbas ito ng isang (1) taon.



2. Puwede ka bang matanggal sa trabaho dahil ikaw ay nagkasakit ng COVID-19?


Base sa ating ating Labor Code: “[a]n employer may terminate the services of an employee who has been found suffering from any disease and whose continued employment is prohibited by law or is prejudicial to his health as well as to the health of his co-employees xxx”.


Samakatuwid, nauunawaan naman ng lahat na ang COVID-19 ay labis na nakakahawa at ang pagkakasakit nito ay maaaring lumala at maging banta sa kalusugan o buhay. Kung may COVID-19 ang isang manggagawa/empleyado – dapat lang na mag-quarantine ito at hindi pumasok sa opisina/trabaho para iwas hawa sa ibang tao.


Kung ang COVID-19 ng isang manggagawa any labis na malala at mistulang panganib na sa kaniyang kalusugan o buhay at kung ang patuloy na pagtatrabaho kahit pa magaling na ito sa COVID-19 ay magdudulot ng peligro sa kalusugan o buhay (maaaring dahil sa kumplikasyon) – puwedeng tanggalin ng kumpanya ang manggagawa.


Samantala, alinsunod sa Department Order No. 147-15 ng ating Department of Labor and Employment (DOLE), bago tanggalin ang isang empleyadong may sakit, dapat mapatunayan ng employer na:

  1. Ang manggagawa ay totoong may sakit;

  2. Ang uri ng sakit ng manggagawa ay ipinagbabawal ng batas na siya’y pumasok (tulad ng COVID-19); o ang patuloy na pagtatrabaho ay maglalagay panganib sa buhay ng may sakit na manggagawa o ng kaniyang kapwa manggagawa; at

  3. Mayroong Sertipikasyon mula sa isang public health authority na ang kaniyang sakit ay hindi magagamot sa loob ng anim (6) na buwan kahit pa bigyan ito ng kaukulang atensiyong medikal.

Kung hindi mapapatunayan ng kumpanya ang mga nakasaad sa itaas, walang karapatan ang kumpanya na magtanggal ng manggagawa sa kadahilanan ng pagkakasakit.


Ang Separation Pay para dito ay nagkakahalaga ng kalahating (1/2) buwang sahod (multiplied by) sa bawat taon ng paglilingkod (ang separation pay na matatanggap ng manggagawa ay hindi dapat bababa sa halaga ng isang (1) buwang sahod).


Sa kompyutasyon ng Separation Pay – ang anim (6) na buwan o higit pang tagal ng paglilingkod ay katumbas ito ng isang (1) taon.



3. May karapatan ba ang isang manggagawa na sumahod kung siya ay may sakit na COVID-19?


Nakadepende ito kung may natitirang Leave (Vacation Leave, Sick Leave, o anu pamang klase ng Leave base sa kasunduan sa pagitan ng kumpanya at empleyado).


Kung mayroon pa, maaari mapagkasunduan ng employer at manggagawa na gamitin muna ang mga leaves, at marahil ubusin, para mabigyan ang manggagawa ng sahod kahit na siya’y hindi pumasok sa opisina dahil sa pagkakasakit ng COVID-19.


Sakabilang banda, kung wala ng natitira o ubos na ang Leaves ng empleyado, base sa prinsipyo ng batas na “no work, no pay,” maaaring hindi magbigay ng sahod ang kumpanya sa mga manggagawa nitong nagkasakit at hindi pumasok.




75 views0 comments

Comentarios


bottom of page