Reference: A.M. No. 08-8-7-SC, Rules on Expedited Procedures in the First Level Courts (March 1, 2022; Effective April 11, 2022, following publication in two (2) newspapers of general circulation.)
1.) Ano ang Small Claims?
Ang Small Claims ay isang proseso na ginawa ng ating Korte Suprema kung saan ang isang Claimant o naniningil ay binibigyan ng isang simpleng mekanismo kung saan maaari siyang magsampa ng kasong sibil sa Korte na hindi kinakailangan ng appearance ng Abogado.
Ang kailangan lamang ay nakapag-download at nakapag-print ang Claimant ng forms o templates na maaari niyang lagyan ng impormasyon at kabitan ng kaukulang ebidensiya para patunayan ang kanyang paniningil.
2.) Ano ang pwedeng ihabla/isampa/i-file gamit ang proseso ng Small Claims?
Base sa A.M. No. 08-8-7-SC, magmula ika-11 ng Abril 2022, para sa mga halaga ng perang sinisingil na hindi hihigit sa Isang Milyung Piso (P1,000,000.00), puwedeng magsampa sa Small Claims Court ang Claimant kung hindi pa siya nababayaran at kung ang kasunduan ng pagbayad ay nakapaloob sa:
Kontrata ng pag-upa;
Kontrata ng pangungutang;
Kontrata ng paggawa ng serbisyo;
Kontrata ng pagbenta (hindi kasama dito ang pagbenta ng lupa); at
Amicable settlement (kasunduan) o pabuya na bunga ng proseso ng pagreklamo sa Tanggapan ng Barangay kung saan ang kasunduan o pabuya tungkol sa pera ay hindi nagampanan o naipatupad sa loob ng anim (6) na buwan.
3.) Ano ang mangyayari kung lagpas sa Isang Milyung Piso (P1,000,000.00) ang halaga na sinisingil ng Claimant at pinili parin niyang gamitin ang proseso sa Small Claims?
Mistulang sinusuko (waived) ng Claimant ang halaga na lalagpas sa Isang Milyung Piso (P1,000,000.00), sa madaling-sabi, hanggang P1,000,000.00 lang ang maaari niyang makuha sa pamamagitan ng proseso sa Small Claims.
Kaya kung ang kabuuang halaga na sinisingil ng Claimant ay higit sa P1,000,000.00, may posibilidad na nakapaloob na ang kaniyang kaso ibang proseso at mas mainam na kumunsulta muna siya sa isang Abugado bago magsampa ng kaso.
4.) Puwede ba'ng agad-agad na mag-file ng Small Claims sa Korte kung ang isang tao ay may utang o kailangang bayaran sa akin?
Hindi, kailangan suriin muna ng Claimant kung "Due" at "Demandable" ang hinahabol o sinisingil niyang pera.
Sa madaling-sabi, kung ang petsa ngayon ay October 15, 2021 at ang partido na sinisingil ay magbabayad sa tinakdang panahon na March 21, 2023, ang babayarin ay hindi pa "Due" at "Demandable" ngayon, hindi pa puwedeng maningil ngayon at kailangan munang dumating ang araw na tinakda para magbayad.
Kung "Due" at "Demandable" na ang babayarin, at puwede nang maningil ngayon ang Claimant, maaaring magpadala ang Claimant ng Demand Letter o liham ng paniningil sa partido na sinisingil para mabigyan siya ng pagkakataong makapag-bayad ng kaniyang "Due" at "Demandable" na utang bago isampa ang kaso sa Korte.
Bago magsampa ng Small Claims sa Korte, dapat maunawaan rin ng Claimant ang kaniyang sariling kaso, mangalap ng ebidensiya para patunayan ito, at sumunod sa alituntunin na nakasaad sa ating batas tungkol sa "conditions precedent." Kung hindi susundin ang mga alituntunin tungkol dito, maaaring ma-dismiss ng Korte ang kaso ng Claimant.
Ang isang halimbawa ng "conditions precedent" ay ang pagsumbong sa Tanggapan ng Barangay na nakakasakop sa tirahan ng Claimant at ang partido na sinisingil kung sila’y magkapitbahay o parehong nakatira at may pahatirang-sulat sa iisa at parehong Barangay. Sa ganitong sitwasyon ang problema nalang dalawa ay idadaan muna sa Barangay Conciliation, at dapat tapusin ng magkabilang partido ang prosesong ito.
Kung hindi mapagkasundo ang magkabilang partido gamit ang Barangay Conciliation, mag-iisyu ang Tanggapan ng Barangay ng Certificate to File Action (CFA) at ito ang hudyat na puwede nang isampa ang kanilang kaso sa Korte.
Ang Certificate to File Action (CFA) na ito ay ikakabit sa FORM 1-SCC, STATEMENT OF CLAIM (HABLA NG PAGSINGIL) na gagamitin sa Small Claims bilang pruweba na nasunod ang conditions precedent na alituntunin.
5.) Paano kung, pagkatapos ng Barangay Conciliation, nagkaroon ng kasunduan sa Tanggapan ng Barangay ang magkalabang panig pero hindi naman ito nagampanan?
Bago lumagpas ang anim (6) na buwan mula sa petsa ng Kasunduan, dapat ay ipaalam ng partidong naniningil sa Tanggapan ng Barangay na hindi ginagampanan ng kalabang partido kung ano ang nakasaad sa Kasunduan. Sa pagsusumbong sa Tanggapan ng Barangay mabibigyan ito ng pagkakataon na tumulong sa pagpapatupad ng Kasunduan.
Kung lagpas na sa anim (6) na buwan at hindi nagampanan o naipatupad ang Kasunduan, kailangan nang magsampa ang Claimant sa Small Claims Court at ang basehan ng kaniyang reklamo ay ang mga bagay na nakasaad sa Kasunduan sa Tanggapan ng Barangay.
6.) Handa nang magsampa ng kaso ang Claimant/Naghahabol/Naniningil dahil nasunod o naunawaan niya ang lahat ng nakasaad sa itaas, ano ang kailangang gawin para masimulan ang proseso ng Small Claims?
Mayroong Template o FORM 1-SCC, STATEMENT OF CLAIM (HABLA NG PAGSINGIL) na maaaring i-download at i-print ng Claimant. Kailangan itong lagyan ng detalye at kabitan ng mga ebidensiya tulad ng Demand Letter o iba pang dokumento na para patunayan na mayroon siyang karapatang maghabol.
Dapat ikabit ng Claimant sa FORM 1-SCC, STATEMENT OF CLAIM (HABLA NG PAGSINGIL) ang lahat ng kaniyang ebidensiya bago ito isumite sa Korte.
Hindi na tatanggapin ng Korte ang anumang ebidensiyang nakalimutang ikabit sa FORM 1-SCC, STATEMENT OF CLAIM (HABLA NG PAGSINGIL) maliban na lang kung may katanggap-tanggap at maayos na dahilan ang Claimant.
Importanteng ikabit at isama ng Claimant ang notaryadong FORM 1-A-SCC, VERIFICATION AND CERTIFICATION AGAINST NON-FORUM SHOPPING, SPLITTING A SINGLE CAUSE OF ACTION AND MULTIPLICITY OF SUITS sa lahat ng dokumentong isusumite niya sa Korte.
FORM 1-SCC, STATEMENT OF CLAIM (HABLA NG PAGSINGIL)
7.) Saan maaaring magsampa ng kasong Small Claims ang Claimant?
Ang Claimant ay maaaring mag-sampa/mag-file ng kaso sa Office of the Clerk of Court na nakakasakop sa munisipyo/siyudad/lugar kung saan siya nakatira. Dapat rin maghanda ng kaukulang Filing Fees ang Claimant. Ang assessment kung magkano ang Filing Fees ay manggangaling sa nabanggit na tanggapan.
8.) Pano kung ang Claimant ay isang indigent o isang taong, dahil sa kahirapan ng buhay, walang kakayahan magbayad ng Filing Fees?
Sa mga Templates o Forms na binuo ng at ating Korte Suprema, mayroong FORM 6-SCC, MOTION TO PLEAD AS INDIGENT. Dapat itong lagyan ng detalye ng Claimant at maaari itong kabitan ng Certificate of Indigence na makukuha sa Tanggapan ng Barangay o Affidavit of Indigence na maipapagawa naman sa isang notaryo publiko.
Ang FORM 6-SCC, MOTION TO PLEAD AS INDIGENT ay isasama sa FORM 1-SCC, STATEMENT OF CLAIM (HABLA NG PAGSINGIL) na isusumite ng Claimant.
9.) Nai-file na ng Claimant ang kaniyang kaso sa Small Claims Court, ano na ang susunod na gagawin?
Maghintay ng NOTICE mula sa Korte na ipapadala sa address/pahatirang-sulat na nakasaad sa FORM 1-SCC, STATEMENT OF CLAIM (HABLA NG PAGSINGIL).
Dapat din sundin ng Claimant ang anumang utos ng Korte at sipagin ang pag-attend sa araw ng hearing na itinakda sa NOTICE.
10.) Paano naman ang partidong sinisingil ng Claimant, ano ang maaari niyang gawin para depensahan ang kaso laban sa kaniya?
Mayroong Template o FORM 3-SCC, RESPONSE (SAGOT) na maaaring gamitin para dumepensa sa kaso. Sa form na ito makikita ang iba't-ibang klase ng depensa na maaaring piliiin at maaari din itong suportahan ng kaukulang ebidensiya.
FORM 3-SCC, RESPONSE (SAGOT)
Dapat rin sundin ng partido na sinisingil ang anumang SUMMONS o NOTICES na pinadala ng Korte sa kanya sapagkat ito ang dokumentong magbibigay impormasyon kung sino ang nag-kaso, ano ang kaso at kung saang lugar siya nakasuhan.
Kung hindi tungkol sa Small Claims ang kaso na nakapaloob sa SUMMONS, NOTICES o SUBPOENA, dapat kumunsulta ang partidong nakatanggap nito sa isang Abogado para maunawaan niya ang kasong hinaharap niya.
Kung hindi naiintindihan ng partidong nakasuhan ang nakapaloob sa SUMMONS o NOTICES na kanyang natanggap, dapat parin siyang kumunsulta sa isang Abogado para maproteksyunan ang kanyang mga karapatan at maaksyunan kaagad ang anumang pag-aalala.
Mapapansin sa huling bahagi ng FORM 3-SCC, RESPONSE (SAGOT), mayroong pagkakataon na maningil ang nirereklamo laban sa Claimant para sa mga oras na nasayang at perang nagastos kung ang kasong sinampa ng Claimant ay walang basehan o merito. Ang tawag dito ay Counterclaim.
11.) Paano kung ang Claimant ay nakatanggap ng desisyon sa Korte na nanalo siya sa kasong Small Claims na sinampa niya?
Mayroong Template o FORM 12-SCC, MOTION FOR EXECUTION na maaaring gamitin ng Claimant kung hindi sinunod ng partido na sinisingil ang utos at desisyon ng Korte na siya'y magbayad.
Dapat padalhan ng personal o sa pamamagitan ng registered mail ng Claimant ang partido na sinisingil ng isang kopya ng FORM 12-SCC, MOTION FOR EXECUTION.
FORM 12-SCC, MOTION FOR EXECUTION:
Matapos mapadalhan ng kopya ang partido na sinisingil, magsusumite ang Claimant ng kaparehas na kopya ng FORM 12-SCC, MOTION FOR EXECUTION sa Branch ng Korte na nag-isyu ng desisyon na kalakip ng pruweba na napadalhan niya ng kopya ang partido na sinisingil. Ang pruweba ay maaaring receiving copy mula sa partido na sinisingil o resibo ng patunay na naipadala ang kopya sa pamamagitan ng registered mail sa Post Office.
Matapos ang prosesong ito na tinatawag na Motion for Execution, ang Korte na ang mangangasiwa kung papaano masisingil ang partidong hindi nagbabayad
Para sa mga Templates o Forms na nabanggit sa itaas, heto ang link:
FORM 1-SCC, STATEMENT OF CLAIM (HABLA NG PAGSINGIL)
FORM 3-SCC, RESPONSE (SAGOT)
FORM 12-SCC, MOTION FOR EXECUTION:
Para sa iba pang mga Templates o Forms na nabanggit sa itaas kasama na rin ang kabuuan ng Revised Rules of Procedure for Small Claims, heto ang link:
Babala: Ang ang lathalang ito ay para sa pangkalahatang impormasyon lamang.
Comments